nakipaglaban

Mga sundalo na nakipaglaban sa Marawi, na-promote

National News

Itinaas ang ranggo ng nasa 641 enlisted personnel ng Philippine Army at apat nitong opisyal na nakipaglaban sa mga teroristang Maute-ISIS bilang pag-alala sa unang taong anibersaryo ng krisis sa Marawi City.

Ginanap ang “donning of ranks” ceremony sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Ang apat na opisyal ng Philippine Army ay ginawaran ng ranggong heneral.

Ang donning of ranks ay pinangunahan ni Army Chief lt. Gen. Rolando Bautista na dating commander ng Joint Task Force Marawi.

Mula sa 641 na enlisted personnel:

  • 36 ang itinaas ang ranggo sa master sergeants;
  • 98 ang technical sergeants;
  • 103 ang staff sergeants;
  • 193 ang sergeants;
  • 211 ang corporals.

Sa tala ng militar, nasa 168 na security forces ang nasawi, habang apatnapu’t pitong sibilyan at mahigit isanlibo na Maute-ISIS ang napatay.

Habang nasa 1,465 na sundalo ang nasugatan sa engkuwentro na nagsimula noong May 23 hanggang Oktubre 23, 2017.

Patuloy ang clearing operation sa Marawi City

Patuloy pa rin ang isinasagawang clearing operation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Marawi City.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, 85 porsyento ng mga bombang hindi sumabog sa lugar ang kanila ng nalinis.

Ayon sa AFP, nasa 51 general purpose bomb na binagsak ng Philippine Air Force na hindi sumabog ang kanilang huhukayin.

23 rito ay tukoy na kung saan matatagpuan habang 28 pa ang hahanapin.

Bukod sa mga bomba, hinahanap din ng AFP ang mga improvised explosive device (IED) na iniwan ng Maute Group sa lugar.

Kaugnay nito, hindi naman makapagbigay ng eksaktong petsa ang opisyal kung kailan malilinis ang natitirang labing limang porsyento ng mga ibinagsak na bomba sa lugar na hindi sumabog.

Sa ngayon, nananatili pa rin sa evacuation centers ang ilang pamilya mula sa 24 na barangay ng lungsod.

Samantala, matuloy namang bineberipika ng militar ang naiulat na bagong lider ng teroristang grupo na si Owayda Benito Marohomsar alyas “Huwam” at “Abu Dar”.

Ulat ni: James Luis

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *