maynilad

MWSS, kinumpirma ang pagtulong ng Maynilad sa Manila Water

Metro News

Kinumpirma ng Metropolitan Waterworks And Sewerage System (MWSS) na tutulong ang Maynilad sa pag-suplay ng tubig sa mga customer ng Manila Water.

Ayon kay MWSS Administrator Reynaldo Velasco, nagbigay na siya ng instruction kung paano matutulungan ang Manila Water na nagpapatupad ng water interruption sa mga lugar na kanilang sineserbisyuhan.

Sinabi ni Velasco na labing limang milyong litro kada araw ang posibleng ibahagi ng Maynilad at hindi naman maaapektuhan ng hakbang ang kanilang consumers.

Dagdag nito, iisa lamang ang pinagkukunan ng dalawang water concessionaires ng kanilang suplay ng tubig at ito ay mula sa Angat at Ipo Dams na papunta sa La Mesa Common Portal.

Aniya, nasa 1,600 million liters ng suplay ng tubig ay papunta sa Manila Water subalit sinabi ng kumpanya na kulang na ito kaya’t ginagamit na nila ang La Mesa Dam na reserba.

Sinabi naman ni Grace Laxa, spokesperson ng Maynilad na aabutin pa bago matapos ang buwan bago sila tuluyang makapagsuplay ng tubig sa Manila Water.

Sa ngayon, patuloy na nararanasan ng mga customer ng Manila Water ang ipinatutupad na water interruption bunsod ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa La Mesa Dam dahil naman sa epekto ng el niño.

Mga residente sa Bicutan, Taguig nagrereklamo sa kawalan ng suplay ng tubig

Nagrereklamo na ang mga residente ng Central Bicutan, Taguig dahil sa problema ng kawalan ng suplay ng tubig sa lugar, dulot pa rin ng nararanasang el nino sa bansa.

Ayon sa mga taga-Bicutan, alas tres palang ng madaling araw ay halos di na sila mapakali kung saan kukuha ng tubig.

Kaya naman, ang ilan habang may sapat pang suplay ng tubig ay piniling magpaigib bilang tulong sa kanilang kapitbahay

Reklamo pa ng ilang residente, nasa isang linggo na anila silang walang tubig at kung saan saan na lang sila nakikiigib.

Ayon sa pag-aaral ng PAGASA, aabutin pa hanggang tatlong buwan ang epekto ng tagtuyot sa bansa.

Ngayon palang ay kaniya-kaniya nang pamamaraan ang ilang mga residente sa pagtitipid ng tubig

Biglaang pagkawala ng suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila, Rizal at Cavite, pinaiimbestigahan

Pinaiimbestigahan ng Bayan Muna Partylist sa Kamara ang biglaang pagkawala ng suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila, Rizal at Cavite.

Sa house resolution 2518 na inihain ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate, hinimok nito ang House Of Representatives Committee On Good Government And Public Accountability na siyasatin ang water interruption, epekto nito sa mga konsyumer at implikasyon sa quality water service provision.

Iginiit ni Zarate na makatutulong ang gagawing imbestigasyon para hindi na maulit ang kaparehong sitwasyon na dinaranas ng publiko tuwing tag-init.

Dagdag pa ng kongresista, batid naman ng mga water concessionaires ang pagdating ng el nino subalit sa kabila ng may ilang buwan babala ng PAGASA ay tila hindi pa rin ito napaghandaan.

Nasa anim na milyon ang sineserbisyuhan ng tubig ng Manila Water sa Capital’s East Zone at sa nasabing bilang ay 52,000 kabahayan ang walang supply ng tubig at hindi pa kasama dito ang nakakaranas ng mahinang pressure ng tubig.

Una nang sinabi ng Manila Water na pinalala ng el niño ang problema sa kakulangan ng suplay ng tubig.

 

DZARNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *