poverty threshold

Itinakdang poverty threshold ng PSA, pinasusuri ng mga grupo ng manggagawa

National News

Muling pinasusuri ng mga grupo ng manggagawa sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang poverty threshold.

Ito anila ay dahil ang sinasabing average budget ng PSA na P10,481.00 para sa isang mag-anak na may 5 miyembro ay hindi naaayon sa mga kasalukuyang gastusin ng mga pamilya o sa riyalidad na kinakaharap ng mga consumer.

Sinabi ni Nagkaisa Labor Coalition Chairman Sonny Magtula na ang nasabing buwanang budget ay mataas lamang ng kaunti sa P60.00 subsistence daily allowance ng mga bilanggo.

Para kay Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) President Raymond Mendoza, kung paninindigan ng PSA ang kanilang kompyutasyon ay mahihirapan na ang labor groups na isulong sa pamahalaan at pribadong sektor ang makatwirang sahod para sa mga manggagawa.

Aniya, maaaring ikatwiran ng mga employer na wala nang dahilan para taasan ang sweldo dahil ang kasalukuyang minimum wage ay mataas na sa government standard o minimum threshold.

Binigyang-diin naman ng partido manggagawa na ang pamilya na may 5-miyembro, lalo na sa Metro Manila ay nangangailangan ng budget na halos P39,000.00 kada buwan kung saan 44% percent nito ay pambili ng pagkain.

Sa ngayon, ang pinakamataas na arawang minimum na sahod sa bansa ay P537.00 na natatanggap ng mga manggagawa sa Metro Manila.

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *