Ika-121 taong selebrasyon ng Araw ng Kalayaan, kaliwa’t kanang ginugunita sa buong bansa

National News

BILANG paggunita ng ika-121 taong selebrasyon ng Araw ng Kalayaan, kaliwa’t kanang seremonya maging job fairs at concerts ang isinasagawa ngayong araw sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa Rizal Park sa Luneta, pinangunahan nina Vice President Leni Robredo at outgoing Manila Mayor Joseph Estrada ang Flag Raising at wreath-laying ceremony sa Monumento ng Pambansang Bayani na si Jose Rizal.

Nasa Rizal Monument din para sa seremonya sina Finance Secretary Sonny Dominguez, government officials at mga empleyado at mga miyembro ng Freemasonry, Order of Demolay, Boy Scouts of the Philippines, Girl Scouts of the Philippines, at Knights of Rizal.

Naglagay naman ng tent sa entrance ng Rizal Park sa Maria Orosa Street ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Agriculture (DA) at Pag-Ibig Fund para ipakita ang kanilang mga programa.

Isang konsyerto at fireworks display naman ang asahan mamayang gabi sa Rizal Park.

Samantala, pinangunahan ang pagtaas ng watawat ng Pilipinas at ang programa sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite ni Senador Cynthia Villar; si Chief Justice Lucas Bersamin naman ang nanguna sa flag raising sa Bonifacio Monument sa Caloocan City, habang si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang nanguna sa selebrasyon sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan.

Pinanghunahan naman ni Philippine Veterans Office Administrator Usec. Ernesto Carolina ang selebrasyon sa Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion sa Manila North Cemetery.

Isinagawa rin ang ‘blowing of horns’ sa mga barko sa Philippine Coast Guard Headquarters bilang pakikiisa sa paggunita sa Araw ng Kalayaan ngayong araw.

Ulat ni: Karen David

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *