Binuweltahan ni Garin si Ejercito kaugnay sa kontrobersya sa Philhealth

National News

Binuweltahan ni dating Health Secretary Janette Garin si Senador JV Ejercito kasunod ng pag-akusa ng mambabatas ng mismanagement sa Philhealth.

Binatikos ni Garin si Ejercito sa pahayag na dapat siyang kasuhan kasama sina dating Philhealth Interim Chief Celestina Dela Serna at Dating Philhealth President Alexander Padilla dahil sa umano’y maling pangangasiwa sa pondo ng ahensya na nagresulta sa kasalukuyang financial state.

Aniya, maling impormasyon ang natanggap ng senador sa naging papel niya sa philhealth at kung may basehan talaga ay magsampa na ng kaso subalit siguraduhing nagresearch muna para hindi makuryente.

Ikinagulat at ikinalungkot ni Garin na tila hindi alam o pinagtatakpan ni Ejercito ang katotohanang nangyayari sa ahensya dahil sa dami ng anomalya sa loob ng tanggapan subalit pilit na ibinabalik ng mambabatas ito sa kanya.

Dagdag pa nito, nagiging paborito siyang targetin ng mga indibidwal na nais magkapuwesto sa pamahalaan o nais manalong muli sa eleksyon.

Patunayang inosente

Sinagot ni Senador JV Ejercito ang buwelta ni dating Health Secretary Janette Garin.

Giit ni Ejercito, nakasalalay kay Garin kung gusto niyang patunayan na inosente siya sa umano’y mismanagement sa Philhealth.

Nilinaw ng senador na nanggaling sa Philhealth at mga opisyal ng Department of Health (DOH) ang mga nasabing isyu.

Binigyang-diin ni Ejercito na may mga documentary evidence na kinumpirma ng Commission on Audit (COA) at hindi na niya problema kung kontrahin ni Garin ang mga alegasyon laban sa kanya.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *