balik eskwela

27.7 milyong estudyante, balik eskwela

National News

Nasa 27.7 milyong estudyante ang balik eskwela sa pagbubukas ngayon ng unang araw ng school year 2018-2019.

Tiniyak ni Education undersecretary Tonisito Umali ang kahandaan ng mga guro at school officials sa buong bansa.

Inaasahan ng Department of Education (DEPED) na tataas pa ang bilang ng mga mag-aaral dahil sa mga late enrollees.

Pag-ulan, posibleng sasalubong sa pagbubukas ng klase

Maaaring sabayan ng pag-ulan ang pagbubukas ng klase ngayong araw dahil sa nagbabadyang bagyo.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Admninstration (PAGASA), may namataang low pressure area sa silangang bahagi ng Surigao City na posibleng maging ganap na bagyo sa susunod na bente kuwatro oras.

Sinabi ng PAGASA na makakaranas ng katamtaman hanggang sa matinding pag-ulan ngayong Lunes ang ilang bahagi ng Palawan, Mindoro at kanlurang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Habang light to moderate rains naman ang mararanasan sa natitirang bahagi ng visayas at mindanao.

Magkakaroon naman ng mga biglaang pagbuhos ng ulan at pagkulog sa Metro Manila at ilan pang bahagi ng Luzon.

 

5,000 pulis, ipinakalat sa Metro Manila

Limang libong mga pulis ang ipinakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagbubukas ng klase ngayong araw sa Metro Manila.

Ayon kay NCRPO Director Chief Supt. Guillermo, makakatuwang ng PNP ang nasa apat na libong force multipliers na binubuo ng mga private security guards, barangay tanod at local government units.

Sinabi ni Eleazar na makikita ang presensya ng mga pulis sa mga vicinity ng eskwelahan partikular sa university belt area.

Pagtiyak pa ng NCRPO chief na hindi bibigyan ng pagkakataon ang mga kriminal na makapambiktima ng mga mag-aaral.

Nagpaalala naman ang pnp sa mga estudyante na iwasan ang pagdadala ng mga mamahaling gadgets sa paaralan.

100 traffic constables, ipinakalat ng MMDA

Nasa isandaang traffic constables ang idineploy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagbubukas ng klase ngayon.

Inaasahan na ng MMDA ang pagbigat ng trapiko dahil sa pagdagsa ng mga commuters kabilang na ang mga estudyante.

Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, nakipag-ugnayan na rin sila sa mga local government units sa Metro Manila para matulungan sila sa inaasahang problema sa trapik.

bilang paghahanda sa balik eskwela, nilinis ng MMDA ang Katipunan, Greenhills area na inaasahang dadagsa doon ang bulto ng mga sasakyan.

Kakulangan ng classrooms at guro

Kakulangan ng classrooms at guro sa mga pampublikong paaralan ang pangunahing problema na bubulaga sa pagbubukas ng klase ngayon.

Ito ang inihayag ni ACT Teacher’s Party List Rep. Antonio Tinio.

Sinabi ni Tinio na ito ang dahilan para lumobo ang bilang ng mga estudyante kada isang classroom.

Sa tala ng Department of Education (DEPED), nasa labing walong libong classrooms pa ang kulang sa mga paaralan sa Metro Manila pa lamang na nagreresulta sa limampu hanggang animnapung estudyante kada silid aralan.

Ayon sa kongresista, ang National Capital Region (NCR) umano ang nananatiling malaki ang shortage ng classrooms dahil wala nang lupa para pagtayuan ng mga karagdagang silid-aralan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *