Alyansa Tigil-Mina

Alyansa Tigil-Mina, nanawagang ipasara ang minahan sa bansa

Metro News

Nagsagawa ng kilos-protesta ang grupong Alyansa Tigil-Mina (ATM) sa harap ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Kasunod ito ng kawalan ng aksyon ni DENR Secretary Roy Cimatu sa mga ipinapaabot nilang hinaing kaugnay ng mapanirang pagmimina.

Sa isang panayam, sinabi ni Emer Perocho, Luzon Campaign Coordinator ng ATM, umaasa silang tutuparin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang sinabi bago ito umalis papuntang South Korea na ipatitigil nito ang open-pit mining bago matapos ang taon.

Gayunpaman, iginiit ni Perocho na kalokohan na ang open pit mining o large scale mining ay mare-rehabilitate dahil hindi rin talaga aniya sumusunod sa Mining Act ang mga ito tulad ng sa Nueva Vizcaya, Zambales at Surigao.

Yung open pit ‘di lamang puno ang kinukuha kundi ang buong bundok ang papatagin.” – Emer Perocho, Luzon Campaign Coordinator, Alyansa Tigil-Mina

 Dagdag pa ni Perocho, sa panahon ni dating Environment Secretary  Gina Lopez ay mayroong 26 na malalaking minahan ang ipinasara.

Pero, dismayado ang grupo dahil hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang operasyon ng mga nasabing mapaminsalang minahan matapos maghain ang mga ito ng motion for reconsideration.

Ang protest rally ay kasabay na rin ng selebrasyon ng World Environment Day ngayong araw Hunyo a-5.

Kasama rin sa naturang rally ang ibang grupo tulad ng Akbayan, Sanlakas, Philippine Movement to Climate Justice, Piglas Pilipinas, PMCJ at Save Sierra Madre Movement.

Ulat ni: Cresilyn Catarong 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *