Health warning

Health warning, makikita na rin sa ilang produktong may asukal

National News

Pinalalagyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng health warning o babala sa kalusugan ang ilang produktong may asukal.

Ito ang inihayag ni Trade Secretary Ramon Lopez sa ginanap na press briefing sa Malakanyang upang mabigyan ng impormasyon ang mga mamimili kaugnay ng maaaring masamang epekto sa katawan ang maidudulot ng sobrang pagkain ng mga produktong may asukal.

Paliwanag ni Lopez, nais ng pangulo na mailagay sa bandang harapan ng anumang produktong may asukal para agad itong mapansin at makita ng mga consumers.

Ilan sa mga produktong inaasahang malalagyan ng health warning ay ang softdrinks, energy drinks at iba pang sweet beverages.

Sa ilalim ng TRAIN Law ay papatawan ng P6.00 per liter na excise tax ang mga sugar-sweetened beverages gayundin ang mga carbonated beverages, sports at energy drinks habang P12.00 per liter naman sa  mga inuming may high-fructose corn syrup.

Exempted naman ang mga 3-in-1 coffee at gatas sa excise tax.

Nakapaloob din sa TRAIN Law, na batay sa mga pag-aaral, dahil sa mataas na sugar  content sa nasabing mga inumin ay nagiging dahilan ito para sa Type 2 diabetes.

Sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na sa susunod na isa hanggang dalawang buwan ay kailangang maipatupad na ang nasabing babala sa mga produktong may asukal.

 

SMNI News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *