halili

Persons of interest sa pagpatay kay Mayor Halili, tukoy na

Regional

Natukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong persons of interest sa pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili.

Ito’y ayon kay PNP-CALABARZON Regional Director Edward Carranza.

May kaugnayan sa iligal na droga ang pangunahing anggulo ng kanilang imbestigasyon.

Tumanggi muna ang opisyal na pangalanan ang mga suspek.

Pero ayon kay Carranza, posibleng mula ito sa Walk of Shame ng alkalde o mula ang link sa narco list na tinukoy ni Pangulong Duterte.

Samantala, tiniyak ng PNP na ginagawa nila ang lahat para maresolba ang kaso sa lalong madaling panahon.

 

Pagkakasangkot sa iligal na droga ni Mayor Halili, itinanggi ng anak

Itinanggi ng pangalawang anak ng napaslang na si Tanauan City Mayor Antonio Halili ang pagkakasangkot ng kanyang ama sa iligal na droga.

Ito ang naging pahayag ni Angeline Halili matapos muling idiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang alkalde sa droga.

Ayon kay Angeline, hindi niya masisisi ang pangulo na magbitaw ng hindi magandang pahayag laban sa kanyang ama.

Dahil nabigyan rin umano ang pangulo ng maling impormasyon ng mga taong nais siraan ang alkalde.

Iginiit ni Angeline na nakikipaglaban ang kanyang ama para sa mga tao at protektahan ito sa mga taong nais sirain ang buhay ng iba dahil sa droga.

Inimbitahan din nito ang pangulo na bumisita sa burol ng ama para makita na hindi totoo ang mga alegasyong laban dito.

Samantala, dagsa na ang mga nakikiramay sa burol ng alkalde matapos itong buksan sa publiko.

 

Mayor Halili, may death threat bago pinaslang

Binawasan ni Tanauan City Mayor Antonio Halili ang pagharap sa publiko bago ito mapaslang.

Ayon kay Gary Laresma, Tanauan Public Information Officer, ito ay dahil sa mga natatanggap na banta sa buhay ng alkalde.

Bunsod ng paninindigan nito laban sa kriminalidad.

Sinabi ni Laresma na naghigpit ang security team ng mayor.

Pili lang din ang mga aktibidad na pupuntahan ni Halili.

Pagpapadala na lamang ng proxy o kinatawan ang ginagawa kapag hindi nakapunta ang opisyal.

Bukod aniya sa mga dapat na dadaluhang kasal ay hindi rin nagpakita ang alkalde sa taunang pag-ilaw ng Christmas Tree noong Disyembre 2017 maging sa pagdiriwang ng Foundation Day ng Tanauan noong March 10.

 

DZARNews

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *