mandatory drug testing

Panukalang mandatory drug testing sa mga estudyante, dapat kanselahin

National News

Hinimok ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kanselahin na ang kanilang panukalang mandatory drug testing para sa mga guro at mga estudyante mula Grade 4 pataas.

Kasunod aniya ito ng pagtutol mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang ilang kaalyado ng Administrasyong Duterte sa nasabing panukala.

Sinabi ni Pangilinan na mas makabubuting tutukan na lamang ng PDEA ang malalaking drug lords.

 Ayon kay Pangilinan, “Iminumungkahi natin na isantabi ng Philippine Drug Enforcement Agency itong paspasan at natatarantang plano na nakatutok sa maliliit na bata, at sa halip ay habulin ang malalaking drug lord para matigil na ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na droga.”

Dagdag ng senador, bukod sa iligal, pagsasayang ng pera at resources ay isa itong bias approach sa pagsugpo ng problema sa iligal na droga sa bansa.

Kung pag-uusapan ang gastos, magiging source ng korapsyon ito. Sa populasyon na ‘di bababa sa 14 milyong mag-aaral na mula sa Grade 4 hanggang Grade 12 pa lamang, aabot na sa P2.8 bilyon ang aabutin ng testing fee.”

Giit pa nito na ang nasabing panukala ay pag-amin na hindi epektibo o walang bisa ang kampanya ng pamahalaan kontra droga.

“Ang panukalang ito ay isang pag-amin na palpak ang malupit na giyera kontra droga ng pamahalaan.”

Kailangan din aniya ng batas para ipatupad ang mandatory drug testing para sa mga guro at estudyante na edad sampu pataas.

“Kailangan ng batas para ipatupad ang panukalang mandatory drug test ng pamahalaan para sa mga batang nasa edad 10 taong gulang o yung mga nasa grade 4.”

 

DZARNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *