P250-M halaga ng smuggled rice na galing Vietnam, nasamsam ng BOC

Sa bisa ng sieze order mula sa Bureau of Customs (BOC)-Manila International Container Port (MICT) sa Port Area Manila, mahigit sa dalawandaan at limampung milyon (P250-M) pisong halaga ng high quality smuggled Thai rice ang nakumpiska ng Bureau of Customs.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, ito na ang pinakamalaking rice smuggling na naitala sa ilalim ng kanyang liderato.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Customs, naka-consign ang nasa dalawandaang (200) container van sa Sta. Rosa Farm Products Corporation.

Dahil sa walang kaukulang import permit mula sa National Food Authority (NFA) ay agad itong hinarang ng Customs.

Maliban dito, bigo ring mabayaran ng consignee ang buwis ng nasabing mga bigas.

Mahaharap naman sa kasong paglabag sa Section 1113 sa ilalim ng Customs and Modernization and Tariff Act na may pataw na life imprisonment at multa na doble sa kailangang bayarang buwis sa idineklara nitong produkto ang Sta. Rosa Farm Products Corporation.

Subject for auction naman ang nasabing mga bigas para sa konsumo ng publiko.

Kaugnay nito, agad na makikipag-ugnayan ang BOC sa NFA para sa bidding at kung magkano ito ibebenta sa kanila bilang bahagi rin ng koleksyon ng Customs.

Mga papasok na agricultural products sa bansa, isasailalim sa imbestigasyon 

Matapos ang pagkakasamsam ng nasa 250 milyong pisong halaga ng smuggled rice mula Vietnam, agad na nagpalabas ng direktiba si Bureau of Customs Commissioner Isidro Lapeña sa lahat ng district collector na imbestigahan ang lahat ng agricultural products sa bansa.

Kasama na rito ang mga nakapasok nang produkto at mga papasok pa lang na kargamento.

Paraan umano ito para masigurong walang makakalusot na iligal na produkto sa bansa partikular na ang mga agricultural products.

Mula ng manungkulan si Lapeña bilang komisyoner ng ahensya, sunud-sunod na operasyon ang ipinatupad nito na nagresulta ng pagkakasabat ng milyon-milyong halaga ng iligal na droga galing Amerika, pagkakasamsam sa fake cigarettes, rtw bags at agri products.

Itinuturing ng mga eksperto na pananabotahe sa ekonomiya ng Pilipinas ang iligal na pagpasok ng mga produkto sa bansa.

 

Sa huli, bahagi na hakbang na ito na makiisa sa agenda ng pamahalaan para labanan ang korupsiyon sa bansa.

Ulat ni: Pol Montibon

Operasyon ng coal-fired powerplants, ipinahihinto

Nanawagan ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa mga energy concerning agencies na ipahinto na ang operasyon ng mga coal at fossil based power plants sa buong Pilipinas.

Ayon kay Ian Rivera, PMCJ National Coordinator, malaki ang ambag ng coal at fossil fuel sa climate change sa Pilipinas at buong mundo dahil sa radical emmissions nito sa hangin at tubig.

Maruming energy source raw kasi ang coal bukod para sa masamang epekto nito sa kalusugan ng tao.

Nagmartsa naman ang grupo sa harap ng Asia Development Bank (ADB) sa Ortigas para ipanawagan ang pagpapahinto nito sa pagbibigay ng pondo sa mga coal plants dahil nag po-promote ito ng maruming energy source.

Umaasa ang PMCJ na makokonsidera ng Duterte Administration ang paggamit ng renewable energy gaya ng wind, solar at hydro plants.

Sa report naman ng The Guardian, 60% ng greenhouse emissions sa buong mundo ay mula sa coal, oil at gas powerplants.

Ulat Ni: Pol Montibon

PNP-NCRPO chief, hindi papasailalim sa mga narco politicians

Kasabay ng pangako ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief General Guillermo Eleazar ang dahan-dahang pagsugpo sa problema ng iligal na mga aktibidad sa NCR partikular na sa ipinagbabawal na gamot.

Ayon kay Eleazar, hindi nito hahayaang may makalapit sa kaniya na mga politiko para alukin siya ng pabor sa mga iligal na gawain.

Batid nitong halos karamihan sa mga nasa gobyerno ay may mga kaugnayan sa iligal na droga pero tiniyak nitong hindi sila maiisahan ng sinuman.

Sa tulong aniya ng kaniyang mga kasamahan na alagad ng batas at matitinong lgu’s at maging ng komunidad ay hindi malayong matigil na ang problema ng bansa sa iligal na droga.

Matatandaang, pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapangalan sa mga narco politicians sa bansa kabilang na din ang ibang ahensya ng gobyerno gaya ng pulis, militar, at malaking negosyante na gumagamit, nagbibenta o nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.

Batay naman sa ikalawang narco list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasa 93 na mga opisyal ng pamahalaan ang sangkot sa iligal na droga kabilang na dito ang may posisyong congressmen, mayors, vice mayors, at mga konsehal.

Ulat ni: Pol Montibon

 

Suspensiyon ng TRAIN Law, may malaking epekto sa ekonomiya

Para sa administrasyon, malaking bagay ang kasalukuyang ipinatutupad na TRAIN Law sa bansa upang tustusan ang malalaking proyekto ng gobyerno.

Pero taliwas ito sa kasalaukuyang pag-aray ng mga ordinaryong mamamayan na apektado ng mataas na presyo ng mga bilihin.

Matatandaang ilang mambabatas na ang umalma sa nasabing batas at minsan pang pumabor na ipasuspinde muna ang implementasyon nito.

Ayon kay Senador Bam Aquino, nangangamba siyang hindi lang sa isang beses may mangyayaring pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin sa bansa.

Samantala, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, maaaring mamroblema ang administrasyon kung papaboran ng mga mambabatas ang pagpapatigil sa TRAIN law.

Pero batid ng senador na para sa bayan ang nasabing bagong tax reform dahil magbibigyan ito ng mas de kalidad na pamumuhay ng mga Pilipino sa bansa.

Magugunitang una na ring ipinanawagan ng ilan sa labor groups na taasan ang sahod ng mga manggagawa habang tumataas ang mga bilihin sa bansa.

Ulat ni: Pol Montibon

Drug war, kinuwestiyon ni Sen. Aquino

Dismayadong sinagot ni Senador Bam Aquino ang naging resulta sa isinagawang random drug testing ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang mga tauhan.

Giit ng senador tila hindi naging epektibo ang programa ng pamahalaan laban sa mga sangkot sa iligal na droga lalo’t mismong mga na sa gobyerno ay sangkot dito.

Payo pa nito, unahin munang ayusin ang kanilang hanay bago isulong ang malawakang operasyon ng drug war nito sa bansa.

Matatandaang libu-libong police officers ang lumabas na positibong gumamit at naging sangkot sa ipinagbabawal na gamot.

Ulat ni: Pol Montibon