Kasambahay ni Jee Ick-Joo, nadiskubreng convicted sa kasong kidnapping

National News

Convicted sa kasong kidnapping pero nakalaya rin matapos ang ilang taon ang isang nagngangalang Marissa Dawis na kapangalan ng kasambahay ng pinatay na Koreanong si Jee Ick-Joo.

Ipinakita ni Senadora Leila De Lima ang mga prison record ni Dawis sa pagdinig ng Senado.

Kinumpirma naman ni Philippine National Police -Anti-Kidnapping Group (AKG) Director Glenn Dumlao na ang babae sa dokumentong hawak ni De Lima ay si Dawis na dating kasambahay ng pinaslang na Koreano.

Si Dawis ay dalawang araw na nagsilbing katulong ng pamilya ni Jee bago ito dinukot at pinatay ng mga hinihinalang miyembro ng kapulisan.

Sa kanyang naunang testimonya, sinabi ng pangunahing suspek sa krimen na si SPO3 Ricky Sta. Isabel na pinalaya niya si Dawis at binigyan pa ng P1,000 nang kunin ng kanilang grupo si Jee pero itinanggi niya na naging bahagi siya ng pagpatay sa naturang Koreano.

Dahil dito, pinaiimbestigahan na rin ni Senador Ping Lacson ang kasambahay.

Takip na takip ang mukha ni Dawis tuwing humaharap sa pagdinig ng Senado.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *