PISTON at Stop and Go, muling magsasagawa ng nationwide transport holiday ngayong Lunes

National News

Muling magsasagawa ngayong araw ng nationwide transport holiday ang grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at iba’t ibang transport coalition.

Plano ng grupo na iparalisa ang biyahe ng mga public utility jeepney o PUJ sa buong bansa.

Kasabay ring isasagawa ang transport strike sa Cagayan at Isabela Province sa Region 2, Laguna, Bicol Region partikular sa Sorsogon, Albay at Camarines Sur, Baguio, Iloilo, Aklan, Capiz, Negros Occidental, Cebu, Leyte, Northern Mindanao Partikular sa Cagayan De Oro, Bukidnon, General Santos at dito sa Metro Manila.

Ayon sa PISTON, tinatayang aabot sa 200,000 tsuper at operators ang makikilahok sa kanilang welga kaya’t asahan na ang pahirapang pagsakay.

Lalahok din sa malawakang tigil-pasada ang grupong Stop and Go Transport Coalition at No To Jeepney Phase-Out Coalition.

Alas-sais ngayong umaga magsisimula ang tigil- pasada.

Samantala, handa naman ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at ilan pang ahensiya na magbigay ng libreng sakay sa mga apektado ng nationwide strike.

Matatandaan namang nito ring buwan ng Pebrero ay naglunsad ng tigil-pasada ng grupong Stop and Go Coalition bilang pagtutol sa plano ng LTFRB NA i-phase-out ang mga jeepney na may edad na labinlimang taon pataas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *