300 OFWs na biktima ng sunog sa Qatar, tutulungan ng DOLE

National News

Pinamamadali ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Qatar ang pagbibigay ng tulong sa 300 overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng naganap na sunog noong Biyernes sa UCC Labor Camp ng Elegancia Hospitality Group sa Al-Shehaniya, Doha Qatar.

Ipinag-utos din ni Bello na bantayan ang kondisyon ng OFWs at tiyaking makababalik ang mga ito nang maayos sa kanilang mga trabaho.

Sa ulat ng POLO, ang sunog ay nagresulta sa pansamantalang pagkawala ng trabaho ng nasa 300 Pilipinong manggagawa na karamihan ay namamasukan bilang mga cleaner at tea boy.

Nawalan din ng mga personal na gamit ang mga biktima sa naganap na sunog.

Samantala, wala namang napaulat na namatay sa insidente ngunit may isang Sherwin Manlapaz na nagtamo ng mga sugat sa hita nito at kasalukuyan nang ginagamot.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *