Malakanyang tiniyak sa EU na hindi apektado ng EJKs ang trade agreements sa Europe

National News

Tiniyak ng Malakanyang na hindi umano makaaapekto sa trade agreements ng Pilipinas sa Europe ang isyu ng extrajudicial killings (EJKs) sa bansa sa gitna ng kampanya ng pamahalaan kontra-iligal na droga.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella batay sa inihayag ni Commissioner Gwen Gana, head ng Task Force on Extrajudicial Killings of the Commission on Human Rights (CHR), na hindi ‘state sponsored’ ang mga patayan sa bansa.

Ginawa ni Abella ang pahayag matapos na makailang ulit na nagbabala si Franz Jessen, EU envoy to Manila, na maaaring maapektuhan ang trade ng Pilipinas sa Europe.

Ito ay kung hindi pa rin pagtutuunan ng pansin ng Pilipinas ang mga isyu kaugnay ng human rights violations, kabilang na ang madugong kampanya kontra-iligal na droga.

Tinitiyak naman ni Abella sa mga kaalyadong bansa ng Pilipinas na rerespetuhin ng bansa ang international commitments nito.

Lalo pa aniya at handa na ang Pilipinas para sa ‘economic take-off’ dahil na rin sa ‘record-high’ foreign direct investments noong 2016, na umabot nang hanggang 7.9 billion dollars.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *