1 patay, 4 sugatan matapos araruhin ng dump truck ang bahay ni dating PBA star Olsen Racela

Regional

Isa ang patay samantalang apat ang sugatan matapos araruhin ng dump truck ang ancestral house ng pamilya ng dating Philippine Basketball Association (PBA) player na si Olsen Racela sa Bayan ng Sarrat sa Ilocos Norte.

Kinilala ang namatay na si Edwin Banao, driver ng truck, na taga-Batac City.

Sugatan naman ang mga nakatira sa bahay na sina Mary Jane Ballesteros, 29 anyos; Marie Ballesteros, 19; John Roque Ballesteros, 47 at ang isang tatlong taong gulang na bata.

Sa inisyal na imbestigasyon, samantalang binabaybay ng truck ang pababa at pakurbang bahagi ng kalsada sa nasabing lugar ay dumiretso ito sa nasabing bahay.

Lumalabas din sa imbestigasyon na may hypertension si Banao subalit hindi pa makumpirma ng pulisya kung ito ang dahilan ng kanyang pagkadisgrasya.

Sa kabila nito, posibleng sampahan pa rin ng kaso ang may-ari ng dump truck.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *