DOLE muling nagpaalaala sa employers na sumunod sa pasahod ngayong Lenten Season

National News

Muling nagpaalaala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa employers o mga kumpanya na sumunod sa tamang pasahod sa mga empleyado ngayong Semana Santa.

Sa inisyung Labor advisory ni DOLE acting Secretary Ciriaco Lagunzad III, nakasaad dito ang rules sa bayad ng regular at special holidays bilang pagtalima sa Proclamation No. 50 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 16, 2016.

Ang mga naideklarang regular holidays ngayong Abril ay Abril 9 (Linggo) bilang “Araw ng Kagitingan;” Abril 13 (Huwebes Santo) at Abril 14 (Biyernes Santo).

Samantala, idineklara namang special non-working day ang Abril 15, na Black Saturday.

Para sa regular holidays, kung ang empleyado ay hindi pumasok ay makatatanggap ito ng 100 porsiyento ng kanyang sahod.

Kung pumasok naman ang empleyado ay makatatanggap ito ng kabuuang dalawandaang porsiyento ng kanyang regular na sahod para sa unang walong oras at karagdagang tatlumpung porsiyento naman sa kada-oras ng overtime nito.

Sakali namang matatapat sa rest day ng empleyado ang regular holiday ay babayaran ito ng dalawandaang porsiyento sa kanyang regular na sahod.

Para naman sa non-special working holiday, kung hindi papasok ang empleyado, maaaring iaplay ang “No work, no pay policy” maliban na lamang kung may ipinatutupad na collective bargaining agreement (CBA) ang kumpanya.

Kung pumasok naman ang empleyado ay makatatanggap ito ng karagdagang tatlumpung porsiyento ng kanyang regular na sahod para sa unang walong oras at karagdagang tatlumpung porsiyento naman para sa hourly overtime rate.

Karagdagang limampung porsiyento ng kabuuang sahod ang matatanggap ng manggagawa, kung matatapat ito sa rest day nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *