AFP itinangging sumablay ang intelligence gathering sa Bohol encounter

National News

Mariing pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagkaroon ng intelligence failure, kaya nadamay ang mag-asawang sibilyan sa operasyon ng militar sa Inagbanga, Bohol noong nakaraang linggo.

Ayon kay Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, bago isagawa ang operasyon laban sa bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ay inabisuhan na ng militar ang lahat ng sibilyan sa lugar para lumikas.

Pinaiimbestigahan na rin ng AFP kung bakit hindi lumikas ang mag-asawang sibilyan na kinilalang sina Constancio at Crisenta Petalco na napaslang kasama si ASG sub-leader Muamar Askali alyas “Abu Rami,” Edimar Isnain alyas “Guruh Eddie” at dalawang iba pang bandido.

Una nang sinabi ni Capt. Jojo Mascareñas, civil military operations officer ng 302nd Brigade na residente sa lugar ang mag-asawang Petalco at may-ari ng bahay, kung saan ay nakapuwesto ang ASG sa naganap na bakbakan.

Aniya, kamag-anak ni Crisenta ang miyembro ng bandidong grupo na si Joselito Meloria na pinaniniwalaang nagdala sa ASG sa Inagbanga.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *