Mag-amang Binay di-pinayagang makabiyahe sa Israel

National News

Ibinasura ng Office of the Special Prosecutor ng Ombudsman ang mga mosyong inihain nina dating Vice President Jejomar Binay at anak nitong si dating Makati City Mayor Junjun Binay na pahintulutan silang makabiyahe patungong Israel para sa isang pilgrimage.

Giit ng prosecutors, na dapat ay palaging available sa kaso ang mga Binay sakaling kailanganin sila ng korte.

Nakasaad din sa mosyon ng prosecutors na maituturing na panganib o ‘flight risk’ ang mag-amang Binay, pati na rin ang asawa ng nakatatandang Binay na si dating Makati City Mayor Dr. Elenita Binay.

Dahil ito sa kasong graft na kinahaharap sa ngayon ng mga Binay.

Ayon pa sa prosecutors, bigo rin umano ang mag-amang Binay na makapagbigay ng iba pang sapat na dahilan na magtitiyak na babalik ang mga ito sa bansa pagkatapos ng umano’y dadaluhang pilgrimage.

Nag-ugat ang mga kasong kinahaharap ng mga Binay dahil sa umano’y pakikipagsabwatan sa iba pang opisyal ng Makati para i-award ang kontrata sa Mana Architecture and Interior Design, Co. (MANA) para sa design ng Makati City Hall Building II project, na umano’y hindi dumaan sa public bidding.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *