Duterte inatasan ang militar na respetuhin ang karapatan ng mga sibilyan

National News

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang militar na respetuhin ang constitutional rights at kilalanin ang papel ng midya sa gitna ng Martial Law sa Mindanao.

Kasabay ng paglalabas ng Malakanyang sa General Order No. 1 ni Duterte kaugnay ng Martial Law, sinabi ng pangulo na dapat respetuhin at protektahan ang constitutional rights ng mga Pilipino sa lahat ng pagkakataon.

Nakasaad din sa order ang mandato ng Commission on Human Rights (CHR) na tulungan ang ehekutibo na tiyaking napoprotektahan ang karapatan ng lahat ng mamamayan.

Bukod dito, binigyang-diin din niya ang papel ng midya sa pagpapakalat ng totoo at tamang impormasyon sa publiko.

Dapat umanong maging maingat ang midya sa pagganap sa kanilang tungkulin nang hindi makompromiso ang seguridad at kaligtasan ng mga sundalo at law enforcement personnel.

Nangako rin si Duterte na walang magiging pag-abuso sa ilalim ng kanyang Martial Law kahit nauna na niyang sinabi na wala itong magiging kaibahan sa marahas na Batas-Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *