Pagpaslang sa isang opisyal ng MPD, inaangguluhang may kinalaman sa ilegal na droga

Masusing tinitingnan ngayon ng MPD Homicide Division kung may
kinalaman sa ilegal na droga ang pagpaslang kay PO2 Joey Imperial, 45
anyos sa dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa harap ng kanyang
bahay sa 2106 sa Calabash Road Bgy. 539 Zone 53 Sampaloc, Manila.

Ayon kay MPD Homicide Division Chief P/Sr. Insp. Rommel Anicete nagtamo
ng dalawang tama ng bala ng baril malapit sa puso, isa sa tiyan at mga
braso si PO2 Imperial sinubukan pa siyang dalahin at gamutin sa United
Doctors Medical Center, ngunit kalauna’y nasawi rin.

Bago paslangin ang bagitong pulis ay nagbabasa ito ng dyaryo sa harap ng
pintuan nang dumating ang dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo
at agad umanong binaril ng isa sa suspek si PO2 Imperial na nagawa pang
makipagpambuno sa suspek.

Bagaman may tama na ng bala ay nagawa pang makatakbo ni PO2 Imperial
papasok sa loob ng kanyang bahay pero sinundan pa ng suspek saka
nagsitakas.

Usap-usapan ng mga retiradong pulis na nakatira sa lugar na posibleng
nasasangkot sa pagiging Ninja cops si PO2 Imperial kung saan biniberipika
ngayon ng MPD ang naturang ulat.

(Ulat ni: Mike Almonte)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *