Pang. Duterte at U.S. President Trump, magiliw na nagkausap sa ASEAN gala dinner

MULING nagkita at nagkausap na ng personal sa ikalawang pagkakataon sina Pangulong Rodrigo Duterte at US President Donald Trump.

Naging magiliw sa isa’t isa ang dalawang lider na mistulang matagal ng magkaibigan at magkakilala.

Sa ginanap na gala dinner kagabi para sa 50th Anniversary Ng Association Of
Southeast Asian Nation (ASEAN), magkatabi sina Duterte at Trump na masayang nag-uusap at nagtatawanan paminsan-minsan.

Inabangan ng marami ang pagkikita ng dalawang lider dahil sa madalas na pagtuligsa ni Pangulong Duterte sa Estados Unidos kaugnay sa pakikialam umano nito sa human rights violations sa Pilipinas.

Unang nagkita sina Duterte at Trump sa Vietnam kung saan pareho silang dumalo sa APEC summit nitong Nobyembre 9-11.

Sa kaniyang welcome address sa gala dinner, binigyang diin ni Duterte na hangad nito ang “constructive” at makabuluhang diskusyon sa mga gaganaping ASEAN Summit and related meetings na magsisimula ngayong araw.

Iginiit din ng pangulo ang patuloy na pagkakaisa, matibay na samahan at pagunlad ng ASEAN mula sa loob ng nakalipas na 50taon.

Sa nasabing okasyon, suot ng mga ASEAN at dialogue partners leaders Filipiniana attire na Barong Tagalog.

(Ulat mula sa DZAR Sonshine Radio-Manila)

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *