TASK FORCE ‘DENGVAXIA’ : DOH at ibang ahensiya, mas tututok sa isyu ng dengue vaccine

National News

BINUO ng Department of Health (DOH) ang task force na tutugon sa mga katanungan sa dengue vaccine na Dengvaxia.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, binubuo ang task force ng matataas na opisyal ng DOH Central Office, health officials mula sa mga apektadong rehiyon at attached agencies nito na Food and Drug Administration (FDA), PhilHealth, at National Children’s Hospital.

Sinabi pa ng kalihim, na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang task force sa School-Based Immunization Program.

Ito rin aniya ang magiging gabay ng DOH sa pagresponde sa safety concerns na may kaugnayan sa paggamit ng Dengvaxia at kung paano magkakaroon ng dengue program sa hinaharap nang hindi na mauulit ang insidente.

Dagdag ni Duque na ang naturang hakbang ay bahagi ng pangako ng ahensya para mabantayan ang kalusugan ng mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Bago nito, una nang inilunsad ng ahensya ang Dengue Hotline para sa mga may katanungan sa Dengvaxia.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *