Kampo ni Congressman Floirendo, tinawag na abuse of power ang arrest order sa kanya ng Sandiganbayan

National News

Ulat ni MJ Mondejar

Naniniwala si Davao del Norte Representative Antonio “Tony Boy” Floirendo, Jr., na hindi lamang pulitika kundi balot ng personal na interes ang nasa likod ng pagpapa-aresto sa kanya ng Sandiganbayan matapos itong sampahan ng kasong katiwalian ni House Speaker Pantaleon Alvarez.

Ayon kay Floirendo, maituturing na “abuse of power” ang arrest order sa kanya ng Sandiganbayan at kwestyunable rin aniya ang mabilis na pagpapaaresto sa kanya.

Nanindigan naman si Floirendo na ligal ang mahigit sa tatlong dekada ng Tagum Agricultural Development Company- Bureau of Corrections o TADECO-BUCOR deal kung saan nakinabang ang libo-libong mga inmates ng Davao Penal Colony.

Matatandaan na inakusahan si Floirendo at ang pamilya nito na nakinabang umano sa mahigit 5,000 hektaryang lupain na pag-aari ng gobyerno na ginawang banana plantation.

Pero kung pagbabasehan ang nakasaad sa 1987 Constitution, isang libong ektarya lamang na lupaing pag-aari ng gobyerno ang maaaring ipagamit sa pribadong sektor o kumpanya sa ilalim ng joint venture.

Ang BUCOR-TADECO deal ay nagsimula noong 1969 na napalawig ng 25 taon noong 2003 para magamit ang lupang sakop ng BUCOR bilang taniman ng saging.

Nakahanda naman raw na harapin ng kampo ni Floirendo ang arrest order ng Sandiganbayan at nakahanda rin itong magpiyansa sa oras na makuha nila ang kopya ng arrest order.

Sa kasalukuyan, ay wala pang pahayag ang kampo ni Speaker Alvarez kaugnay sa patutsada ni Floirendo sa kanya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *