Umano’y recruiter ni Joanna Demafelis na si Tuballes, hindi pa maituturing suspek ayon sa PNP-CIDG

National News

Matapos ang pagkakaaresto ng mag-asawang amo ng Pinay worker ni Joanna Demafelis na sina Nader Essam Assaf at Mona Hassoun, boluntaryo namang sumuko ngayong araw ang lokal recruiter ni Joanna sa PNP-CIDG.

Ayon kay Agnes Tuballes, ang recruiter ni Demafelis, nais nitong linisin ang kanyang pangalan sa kalunos-lunos na sinapit ni Joanna na isinilid sa loob ng isang freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait.

Mariing itinanggi ni Tuballes na siya ang recruiter ng Pinay at siya ang nagproseso ng mga papeles nito patungong Kuwait.

Aniya, ang tanging papel lamang niya ay ang pag-refer kay Demafelis sa recruitment agency na Our Lady of Mt. Carmel Global E-Human Resources Inc.

Humingi naman ng tawad si Tuballes sa pamilya Demafelis sa sinapit ni Joanna sa Kuwait.

Samantala, nilinaw naman ni CIDG Dir. Roel Obusan, na hindi nila maaaring ikulong si Tuballes at hindi pa rin ito maituturing na suspek.

Sa ngayon aniya ay ginagawa pa nila ang case build-up laban kay Tuballes.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *