COMELEC, tuloy ang paghahanda sa Barangay at SK elections sa buwan ng Mayo

National News

Tuloy-tuloy pa rin ang paghahanda ng Commission on Elections o COMELEC sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa buwan ng Mayo.

Ito ang iginiit ni Dir. James Jimenez, taga-pagsalita ng COMELEC sa panayam ng SMNI News kasunod na rin ng naging desisyon ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na muling ipagpaliban ang nalalapit na halalan.

 Ayon kay Jimenez, hangga’t walang batas na magsasabing postpone ang eleksyon ay tuloy pa rin ang kanilang paghahanda.

Sa panig naman ng senado, naniniwala si Senate Majority Leader Vicente Sotto III na imposible para sa senado na ipagpaliban ang Barangay at SK elections sa Mayo.

Aniya, karamihan sa mga kasamahan nito ay tutol sa postponement ng eleksyon at wala pa ring naghahain na counterpart bill tungkol dito.

Sa ngayon, tuloy-tuloy ang pag-iimprenta ng COMELEC ng karagdagang mga balota para sa nalalapit na halalan.

Ani Jimenez, nasa 85-90 porsyento ng handa ang ahensya sa May elections.

Samantala, nilinaw naman ni Jimenez na gagamitin pa rin ng COMELEC ang mga nauna ng naimprentang mga balota noong 2017 kasunod na rin ng pagpapasa ng COMELEC ng resolusyon para magamit ito.

Matatandaan na noong 2017 ay muling ipinagpaliban ng Kongreso ang Barangay at SK elections at itinakda ngayong buwan ng Mayo ng 2018.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *