Kredibilidad ng war on drugs, kinuwestyon ng Makabayan bloc

Ulat ni MJ Mondejar

Batikos agad ang isinalubong ng Makabayan Bloc sa Kamara matapos hingan ng reaksyon sa pagkaka-abswelto ng umano’y mga big time drug lords sa kasong isinampa ng PNP-CIDG na may kinalaman sa iligal na droga.

Ayon sa grupo, kwestyunable na ang war on drugs ng pamahalaan dahil mistulang kinakanlong pa nito ang mga lantad na mga drug lords sa bansa.

Mungkahi naman ng grupo kay Pangulong Rodrigo Duterte, sibakin sa pwesto si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II at ihinto ang war on drugs.

Samantala, bumuo na ang DOJ ng bagong panel of prosecutors na hahawak sa ihinaing motion for reconsideration ng PNP-CIDG sa pagkakabasura ng National Prosecution Service (NPS) sa drug case laban kina Peter Lim at aminadong drug lord na si Kerwin Espinosa.

Sa bisa ng Department Order 151 na pirmado ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, itinalaga nito bilang bagong mga miyembro ng panel na sina Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera, Assistant State Prosecutor Ana Noreen Devanadera At Prosecution Attorney Herbert Calvin Abugan.

Itinalaga din muna bilang acting prosecutor general para sa kasong ito si Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon.

Ang nasabing panel ang inaasahang reresolba sa motion for reconsideration ng PNP-CIDG-MCIU matapos ibasura ng naunang panel of prosecutors ang drug case laban kina Peter Lim Alyas Jaguar, Kerwin Espinosa, Peter Co, Lovely Impal, Marcelo Adorco, Max Miro, Ruel Malindagan, Jun Pepito at ng ilan pang akusado.

Samantala, ipinag-utos naman ng DOJ sa NBI ang pag-iimbestiga sa National Prosecutions Service na nag-abswelto sa mga nabanggit na personalidad sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *