Kasong administratibo, posibleng ipataw sa mga opisyal na nagpapakalat ng false news 

National News

Matapos isa-isahin ang mga suhestiyon at pag-uusap kaugnay sa kontrobersiyal na usapin ng fake news sa bansa sa ikalawang pagdinig ng Senate Committee on Public Information and mass media, napag-alaman na halos iisa lang ang sistema ng mga dahilan ng fake news, ang kawalan ng matibay na depinisyon kung ano nga ba ang totoo at hindi totoong balita.

Sa pangunguna ni Senator Grace Poe, bilang chairman ng komite lumalabas na kulang pa aniya sa regulasyon at batas ang bansa kaugnay sa paggamit ng social media partikular na ang Facebook na nagiging immediate platform ng impormasyon mula sa mga ahensiya ng gobyerno.

Kaya naman upang maiwasan ito, agad na imumungkahi ng senadora sa gagawin nitong committee report na patawan ng mabigat na parusa ang sinumang opisyal ng pamahalaan na magpapakalat ng fake news.

Sa kabila ng pag-iral ng Revised Penal Code 154 na nagpapataw ng parusa sa fake news, paninindigan umano ni Senator Grace Poe ang pairalin ang batas laban sa maling pagbabalita.

Bagay na inalmahan ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque dahil maituturing aniya itong discrimination sa iba pang ordinaryong mamamayan.

Paliwanag naman ni Poe, na mas kailangan aniyang manindigan sa kung ano ang tama upang hindi malito ang taumbayan sa mga impormasyon kanilang pinapanood at pinakikinggan.

Ito na ang panghuling pagdinig ng senado kaugnay sa nasabing usapin ng fake news.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *