Toys “R” US, magsasara dahil sa tinatawag na modern age

International News

Pinatay na nga ng modernong teknolohiya ang tradisyonal na pamimili ng mga konsyumer kagaya ng mga produkto mula sa Toys “R” US.

Magsasara na ang nasabing toy company na mayroong 880 branches sa buong Estados Unidos.

Tinataya namang 30,000 empleyado nito ang mawawalan ng trabaho.

Ito ay isa sa pinakamalaking retail bankruptcy na maitatala sa US.

Ang kumpanya ay naghirap sa modernong panahon ng pamimili kung saan mas pinipili na ng mga konsyumer ang online retailing.

Isa sa mga punto ay dahil mas mura at mas madali umano ma-access ang mga produktong nasa online.

Nakita na lamang ng toy company na napag-iiwanan na ito ng Amazon at Walmart.

Lumulubog naman nasabing kumpanya sa utang na nagkakahalagang limang bilyong  dolyares.

Nag-file ng bankruptcy ang Toys R US noong nakaraang taon sa pag-asang muling maitatayo ang toy business ngunit kabaliktaran ang nangyari.

Ayon kay Jim Silver, Chief Executive Officer ng Toys, Tots, Pets dahil na rin sa umuusbong na teknolohiya ngayon, bumaba ng labindalawang porsyento ang kita ng toy company dahilan upang hindi nito matustusan ang pag-iinvest sa mga retail stores nito.

Matatandaang nagsimula ang Toys R US bilang maliit na retail store sa Washington DC noong 1948.

Samu’t saring reaksyon naman ang inilabas ng mga konsyumer nito kung saan nakararami sa mga ito ang nagpapahayag na gusto pa nila ipakilala sa susunod na henerasyon ang nasabing toy company sapagkat ito na daw ang kanilang nakagawian.

Higit pa rito, nag-anunsyo na rin ng pagsasara ang ilang mga bigating kumpanya kagaya ng Ann Taylor, Sears, Gap, Gymbore at Banana Republic.

Maging ang KMART store ay nagpahayag na rin ng pagsasara ng humigit kumulang sa 6700 retail stores nito.

Ang punong dahilan nga nito ay ang lumalaking demand ng mga konsyumer sa online na pamimili at mas pagkawili ng mga ito sa pamamasyal sa mga mall, at pagkakaroon ng bonding kasama ang mga kaibigan kagaya ng pagkain sa mga trending na restaurants ngayon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *