PNP, nagbabala kaugnay sa recruitment ng NPA sa mga paaralan unibersidad

Metro Manila

Ulat ni Pol Montibon

Nagbabala si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa publiko dahil sa umano’y recruitment na ginagawa ng mga miyembro ng NPA sa mga paaralan ngayong bakasyon.

Sa isang pulong balitaan, isinapubliko ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa ang babala sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa kaugnay sa bantang recruitment ng mga miyembro ng New People’s Army o NPA ngayong bakasyon.

Base sa ulat na natanggap ng PNP, napasok na umano ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang ilang mga student organizations ng mga eskwelahan sa bansa.

Kaya babala ng PNP sa mga magulang, iiwas ang kanilang mga anak sa mga kahina-hinalang tao.

Kaugnay nito, nangako ang PNP na patuloy nilang tututukan ang nasabing usapin para tiyaking walang maiimpluwensiyahang menor de edad dito.

Gayunpaman, aminado si Dela Rosa, hindi rin nila mapipigilan ang sinumang estudyante na sasapi sa rebeldeng grupo kung nanaiisin ng mga ito.

Sa ngayon ay pag-aaralan pa ng pnp ang pakikipag-ugnayan sa mga paaralan kaugnay sa nasabing isyu.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *