Bagong hari ng kalsada, ipinarada ng DOTR

Metro News

Ulat ni Troy Gomez

Ipinarada ng Department of Transportation (DOTR) sa Philippine International Convention Center (PICC) ang mga modernong public utility vehicles na posibleng gamitin para sa jeepney modernization ng pamahalaan.

Partikular na tampok sa Transport Modernization Expo ang 21-seater na modern jeep na kinabitan ng beep tap, telebisyon, dash cam, at cctv camera.

Sinabi ni Transportation Undersecretary Tim Orbos sa isang interview na patunay lamang ang nasabing expo na hindi na mapipigilan ang jeepney modernization.

Una nang sinabi ng DOTR na target nilang makumpleto ang pagpapatupad ng jeepney modernization sa loob ng tatlong taon sa administrasyong Duterte.

Kaugnay nito ay pinuri naman ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) President Zenny Maranan ang programa ng DOTR.

Ayon kay Maranan, ang kasalukuyang administrasyon lamang ang nakapagpatupad ng kanilang matagal nang pinapangarap na modernisasyon.

Liban sa modern jeep, ay tampok din sa transportation modernization expo ang mga modern bus at e-trikes.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *