Boracay, tutukan sa unang 30 araw  

National News

Ulat ni Cresilyn Catarong

Inilatag ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang tatlo sa mga malalang problema sa Boracay Island na kanilang reresolbahin sa lalong madaling panahon. At 30 araw lamang ang palugit na itinakda ng ahensya para maresolba ito.

Ang problema sa sewer lines, drainage systems at  ang kakulangan ng sewage treatment plants o (stp’s) ang uunahin ng Department of Environment and Natural Resources o DENR sa first phase ng kanilang gagawing rehabilitasyon sa environmental problem sa pamosong isla ng Boracay sa Aklan.

Para maresolba ang problema, 30 araw lamang ang ibinigay ng DENR na palugit para maisaayos ang aniya’y tatlo sa mga pangunahing problema sa isla. Bukod sa problema sa liquid waste disposal, sunod namang tutukan ng pamahalaan ang garbage o material waste dahil sa iresponsableng pagtatapon ng basura kahit saan.

Sa tala ng DENR, nasa 90-115 na tonelada ng basura araw-araw ang nakukuha sa Boracay subalit nasa 30 tonelada lamang rito ang naitatapon ng maayos sa labas ng isla.

Kabilang din sa plano ang pagresolba sa illegal occupation sa mga forest at wetlands sa Boracay, ang pagpapatupad sa rule of easement, pagpapalawak sa mga makikitid at maliliit na road network sa isla at ang pagpapaigting ng environmental laws sa mga protected areas doon.

Malaki naman ang tiwala ng DENR sa political will sa ilalim ng Duterte administration para maipatupad ang mga environmental laws sa Boracay.

Sa isyu naman ng pagtatayo ng casino sa Boracay, pag-aaralan raw ng DENR ang nasabing plano.

Sa ngayon ay  pinagsusumite ng Malacañang ang inter-agency task force na kinabibilangan ng DENR, Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism (DOT) ng mas detalyadong rekomendasyon kaugnay sa pagsasara sa Boracay Island.

Samantala, wala namang nakikitang problema ang Department of Labor kung ipapasara ng anim na buwan ang isla.

Ayon sa DOLE may mga nakalatag ng programa para sa mga mangagawang maapektuhan ng pagpapasara.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *