Paglikha ng 75,242 teaching positions, aprubado na ng DBM

National News

 

Ulat ni : Cresilyn Catarong

Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang hiling ng Department of Education (DEPED) na bumuo ng mahigit pitumpu’t limang libong panibagong teaching positions sa paparating na school year 2018-2019.

Sa isang forum sa Pasig City, sinabi ni budget secretary Benjamin Diokno na aprubado na ng kagawaran ang paglikha ng 75,242 teaching positions para sa kindergarten/elementary, junior high school, at senior high school ngayong susunod na school year.

Ang panibagong teaching positions ay tugon sa kakulangan ng mga teaching personnel sa pampublikong paaralan sa buong bansa.

Pahayag pa ni Diokno, kukunin sa appropriations ng DEPED ang funding requirements para sa sahod at iba pang bayarin sa mga bagong hire na public school teachers.

Nabatid na may alokasyon ang DEPED na nagkakahalaga ng P553.31 bilyon ngayong 2018, mas mataas kumpara noong nakaraang taon.

Ang kindergarten at elementarya ang may pinakamaraming teaching personnel na nakatakdang i-hire sa bilang na 40,642. Nasa 34,244 naman ang kailangan para sa junior high schools at 356 naman sa senior high schools.

Samantala, ilalabas lamang umano ng DBM ang budget oras na mapunan na ang mga bagong teaching positions.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *