Gordon at Ejercito, magkasalungat ang opinyon sa pananagutan ni P-Noy sa Dengvaxia

National News

Nanindigan si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na sa simula pa lamang ng pagbili ng dengue vaccine ay may kamay na si dating Pangulong Noynoy Aquino.

Nilinaw ni Gordon na nagkaroon ng perwisyo sa gobyerno ang pagbili sa Dengvaxia dahil sa laki ng halagang ipinambili rito.

Nagkaroon din aniya ng shortage na P200-M “in receipts” mula sa P3.5-B budget para sa Dengue Immunization Program.

Idinepensa naman ni Gordon ang desisyon na absweltuhin sa anumang pananagutan si Health secretary Paulyn Jean Ubial dahil maaari itong maging witness kinalaunan.

Ito aniya ay dahil naging bahagi si Ubial ng nilutong kasunduan ng Sanofi officials para sa isang experimental drug.

Samantala, ayon naman kay Senador JV Ejercito,  wala umanong  pananagutan si dating pangulong Noynoy Aquino sa Dengue Vaccination Program.

Taliwas ito sa pahayag ni senador Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na dapat managot si Aquino, dating Health secretary Janette Garin at dating Budget secretary Florencio Abad bilang conspirators sa isyu ng dengvaxia.

Naniniwala si Ejercito na bagaman guilty si Aquino sa kapabayaan ay ang kanyang dalawang cabinet members ang dapat na managot sa kontrobersyal na dengue vaccine.

Lumabas aniya sa mga pagdinig sa senado na sina Garin at Abad ang pangunahing conspirators sa maanomalyang pagbili at kwestyunableng implementasyon ng Dengvaxia.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *