ID system, ipatutupad sa isla ng Boracay

National News

Ipatutupad ang ID system sa Isla ng Boracay simula Abril a-bente sais ngayong taon.

Kasabay ito ng pagsasara ng isla sa mga turista para isailalim sa anim na buwang rehabilitasyon.

Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Epimaco Densing III, mag-iisyu sila ng identification card para sa mga residente na kailangang ipakita kapag papasok at lalabas ng isla.

Nilinaw din ni Densing na tatanggapin nila ang inisyung ID ng gobyerno sa isang residente ng isla.

Papayagan naman ang mga turista na naka-book sa mga hotel sa Boracay ilang araw bago ang Abril a-bente sais.

Samantala, tinutukoy na ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga magiging benepisyaryo ng lupang sakahan sa Boracay.

Kasunod ito ng pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbibigay ng lupa sa mga magsasaka sa isla.

Ayon kay Agrarian Reform Secretary John Catriciones, pinag-aaralan na nila ang usaping ito.

Sinabi ni Catriciones na nagsasagawa na sila ng inventory kung sino ang makikinabang sakaling maging totoo ang marching order ng Pangulong Duterte.

Kaugnay nito, nagbabala si Catriciones sa mga posibleng benefeciaries na huwag ibenta ang mga lupang ibibigay sa kanila.

Nilinaw din ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na wala silang inisyung permit sa Galaxy Entertainment Group para sa pagtatayo ng casino sa isla ng Boracay.

Binigyang-diin ni Environment Undersecretary Jonas Leones na malabong mangyari ang pagtatayo ng malaking casino sa isla.

Ayon pa kay Leones, wala din silang natatanggap na aplikasyon ng environmental permit mula sa Galaxy.

Una na ring kinontra ni DENR Secretary Roy Cimatu ang pagtatayo ng malaking casino sa Boracay na nakatakdang isara sa mga turista sa Abril a-bente sais.

Kinumpirma din ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang itatayong casino sa Boracay kundi lilinisin lamang at aayusin ang isla bago muling buksan sa publiko.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *