Mahigit 6,000 sako ng bigas, ipinamahagi ng NFA

National News

Magkakaroon na ng suplay ng NFA rice sa mga pamilihang bayan sa Metro Manila.

Ito ay matapos na dumating sa tanggapan ng National Food Authority o NFA ang nasa higit anim na libong sako ng bigas mula sa samahan ng mga rice millers sa Nueva Ecija.

Tugon naman ito sa pangako ng mga rice traders kay Pangulong Rodrigo Duterte na magbibigay sila ng suplay ng bigas sa pamahalaan hangga’t hindi pa dumarating sa bansa ang inangkat na bigas.

Ayon sa warehouse supervisor ng NFA main office, alas otso pa lang kagabi ay isa-isa ng nagdatingan ang mga truck na may dalang regular milled rice.

Mabibili naman ang regular milled rice ng NFA sa halagang P39 kada kilo, mas mababa kumpara sa ibang commercial rice na nasa P40 hanggang P50 ang halaga kada kilo.

Posible namang ibenta bilang NFA rice ang mga nasabat na sako-sakong bigas nitong nakaraang araw sa Zamboanga Sibugay.

Ayon kay Secretary Harry Roque, maaaring ibenta ng pamahalaan ang nasa P68-M halaga ng bigas mula Vietnam.

Makatutulong aniya ito na pataasin ang stockpile ng NFA rice sa mga merkado.

Noong Sabado ng gabi, nasabat ng mga tauhan ng Philippine Navy ang nasa higit isanlibong sako ng bigas mula foreign vessel na MV Diamond 8 habang nagdidiskarga ito sa karagatang sakop ng bayan ng Olutanga.

Naaresto naman ng mga otoridad ang 11 Bangladeshi national at apat na Chinese crew members ng barko.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *