ehekutibo

Ehekutibo, haharap sa Senado kaugnay ng Marawi rehabilitation

National News

Nakahandang makipagtulungan ang ehekutibo sa isinusulong na imbestigasyon ng Senado patungkol sa Marawi crisis at rehabilitasyon nito.

Sa isinagawang press briefing sa Provincial Capitol sa Marawi City, sinabi ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na haharapin nila kasama ng ‘Task Force Bangon Marawi’ ang Senate inquiry para ilatag ang mga proyekto na ginagawa ng gobyerno para maibangon ang nawasak na lungsod.

Kaugnay nito, itinanggi ni Roque ang mga alegasyon  ni Senador Antonio Trillanes IV na wala umanong master plan ang gobyerno para sa pagbangon muli ng Marawi.

Giit pa ni Roque, halatadong may bahid ng pulitika ang mga paratang na ibinabato ni Trillanes laban sa Administrasyong Duterte.

“Pulitika lang po ‘yan. Hindi po totoo na walang masterplan. We are on time in rehabilitating Marawi.” – Atty. Harry Roque, Presidential Spokesperson

Samantala, binigyang-diin pa ni Roque na wala sanang ‘Task Force Bangon Marawi’ kung walang aksyong ginagawa ang pamahalaan para sa pagsasaayos sa nawasak na siyudad.

Sa Senate Resolution No. 742 ni Senador Trillanes, sinabi niya na tila kulang pa rin ang komprehensibong plano ng gobyerno sa rehabilitasyon sa Marawi makaraan ang isang taon simula nang sumiklab ang giyera sa lungsod.

70% na evacuees ng Marawi, nakabalik na sa kanilang mga tahanan

Nakabalik na sa kani-kanilang tahanan ang 70% ng mga bakwit sa Lungsod ng Marawi.

Ito ang ibinida ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque sa ginawang press briefing nito sa Marawi kung saan inaasahan na rin aniya na ngayong taon ay makababalik na ang lahat ng evacuees sa kanilang tahanan.

Magbubukas na rin sa darating na school year ang 47 paaralan sa labas ng Marawi battle zone.

Inisa-isa naman ni Roque ang mga proyekto ng pamahalaan sa nagpapatuloy na rehabilitasyon sa naturang lungsod.

Kabilang na rito ang mga pabahay at hanap-buhay para sa mga naapektuhang residente, community centers, mga paaralan, place of worships maging ang ayuda para sa mga internally displaced persons o IDPS.

Gayunpaman, humingi ng pang-unawa at mataas na pasensya si Roque sa publiko partikular sa mga residente ng Marawi kung saan sadyang matatagalan talaga aniya ang ginagawang rehabilitasyon sa lungsod dulot ng matinding pagkawasak nito.

Hinimok naman ni Roque ang mga ahensya ng gobyerno maging ang media na magtulungan sa pag-monitor sa Marawi rehabilitation projects.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *