volunteers

Mataas na bilang ng volunteers ng Brigada Eskwela, inaasahan ngayong taon

National News

Positibo ang Department of Education (DEPED) na mas tataas pa ang bilang ng volunteers para sa Brigada Eskwela ngayong 2018.

Sa isang pulong balitaan sa Valenzuela, inihayag ni Education Undersecretary Tonisito Umali na taun-taon ay tumataas ang bilang ng mga nakikiisa sa Brigada Eskwela.

Base sa record ng DEPED, nakapagtala sila ng halos 9 milyon noong 2015, 11. 6 milyon naman noong 2016, at halos 12 milyon na volunteers nitong 2017.

Dagdag pa ni Umali, sa pamamagitan ng Brigada Eskwela ay pinapalawig nito ang konsepto ng ‘partnership’ maging ang pagkakaisa.

Patuloy namang hinihimok ng ahensya ang mga guro, mga magulang, community members at education stakeholders na magkaisa para sa isang tiyak na kahandaan at kaligtasan ng mga mag-aaral bago ang pagsisimula ng pasukan.

Regional Brigada Eskwela Kick-Off, umarangkada na sa Valenzuela

Kaugnay nito, umarangkada na ang Regional Brigada Eskwela Kick-Off sa lungsod ng Valenzuela.

Ito ay pinangunahan nina DEPED Undersecretary Tonisito Umali, National Capital Region (NCR) OIC Director Wilfredo Cabral, at DEPED Valenzuela OIC Superintendent Benjamin Samson sa Valenzuela City School of Mathematics and Science.

Ang tema ng Brigada Eskwela ngayon taon ay “Pagkakaisa para sa Handa, Ligtas at Matatag na Paaralan Tungo sa Magandang Kinabukasan.”

Ulat ni: Cresilyn Catarong

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *