smuggled

P250-M halaga ng smuggled rice na galing Vietnam, nasamsam ng BOC

National News

Sa bisa ng sieze order mula sa Bureau of Customs (BOC)-Manila International Container Port (MICT) sa Port Area Manila, mahigit sa dalawandaan at limampung milyon (P250-M) pisong halaga ng high quality smuggled Thai rice ang nakumpiska ng Bureau of Customs.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, ito na ang pinakamalaking rice smuggling na naitala sa ilalim ng kanyang liderato.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Customs, naka-consign ang nasa dalawandaang (200) container van sa Sta. Rosa Farm Products Corporation.

Dahil sa walang kaukulang import permit mula sa National Food Authority (NFA) ay agad itong hinarang ng Customs.

Maliban dito, bigo ring mabayaran ng consignee ang buwis ng nasabing mga bigas.

Mahaharap naman sa kasong paglabag sa Section 1113 sa ilalim ng Customs and Modernization and Tariff Act na may pataw na life imprisonment at multa na doble sa kailangang bayarang buwis sa idineklara nitong produkto ang Sta. Rosa Farm Products Corporation.

Subject for auction naman ang nasabing mga bigas para sa konsumo ng publiko.

Kaugnay nito, agad na makikipag-ugnayan ang BOC sa NFA para sa bidding at kung magkano ito ibebenta sa kanila bilang bahagi rin ng koleksyon ng Customs.

Mga papasok na agricultural products sa bansa, isasailalim sa imbestigasyon 

Matapos ang pagkakasamsam ng nasa 250 milyong pisong halaga ng smuggled rice mula Vietnam, agad na nagpalabas ng direktiba si Bureau of Customs Commissioner Isidro Lapeña sa lahat ng district collector na imbestigahan ang lahat ng agricultural products sa bansa.

Kasama na rito ang mga nakapasok nang produkto at mga papasok pa lang na kargamento.

Paraan umano ito para masigurong walang makakalusot na iligal na produkto sa bansa partikular na ang mga agricultural products.

Mula ng manungkulan si Lapeña bilang komisyoner ng ahensya, sunud-sunod na operasyon ang ipinatupad nito na nagresulta ng pagkakasabat ng milyon-milyong halaga ng iligal na droga galing Amerika, pagkakasamsam sa fake cigarettes, rtw bags at agri products.

Itinuturing ng mga eksperto na pananabotahe sa ekonomiya ng Pilipinas ang iligal na pagpasok ng mga produkto sa bansa.

 

Sa huli, bahagi na hakbang na ito na makiisa sa agenda ng pamahalaan para labanan ang korupsiyon sa bansa.

Ulat ni: Pol Montibon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *