pantawid pasada

Pantawid Pasada cash cards, sinimulan nang ipamahagi

National News

Sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng pamahalaan.

Limang libong piso (P5,000) na ayuda ang matatanggap ng bawat lehitimong jeepney operators.

At ngayong araw nga sinimulan ang pamamahagi ng mga cash cards.

Masaya si Aling Ruby Macario, operator ng dalawang jeep na may ruta sa Malolos Bulacan.

Nakakuha ito ng ayuda mula sa pamahalaan, ang Pantawid Pasada cash card na nagkakahalaga ng limang libong piso (P5, 000).

Aniya malaking tulong ito sa pang araw-araw na pasada ng kanyang dalawang jeep lalo na sa mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Pero may paalala ang gobyerno tungkol dito, bawal gamitin ang ayuda sa anumang serbisyo o produkto maliban sa gasolina.

Ayon naman sa mga taga-Land Bank, maaaring made-list ang sinumang franchisee oras na mahuli itong ginagamit sa ibang serbisyo ang nasabing card.

Malalaman ito sa bawat paggamit ng card.

Kung saan nakapaloob dito ang plate number ng sasakyan na rehistrado sa data system ng LTFRB at Land Bank.

Sa ngayon may walong libong gas station ang NCR.

Inaalam pa ng oil industry bureau ng DOE kung ilang gas station ang may kakayahan sa sistema ng credit card service.

Sa kabuuan, aabot sa 50 milyon pisong (P50-M) ayuda ang ipamamahagi ng Land Bank sa walong libong cash card para sa NCR.

Inaasahan na susundan agad ito ng distribusyon sa ibang rehiyon sa susunod na mga araw.

Ang mga nabigyan ng Pantawid Pasada cash cards ngayong araw ay ang mga apilyedong nagsisimula sa letrang A hanggang M.

Bukas naman nakatakdang asikasuhin ang mga apelyidong nagsisimula sa letrang N hanggang Z.

 

Ulat ni: Pol Montibon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *