maliliit na negosyante

 “One Town, One Place” Hub ng DTI, malaking tulong sa mga maliliit na negosyante

National News

Ramdam ngayon ng maliliit na negosyante ang suporta ng gobyerno sa kauna-unahang “One Town, One Place” (OTOP) Philippines Hub na inilunsad sa Maynila.

Ayon kay Aida Gonzales, dating journalist at may-ari ng bagong bukas na OTOP Hub na “Kapandesal Cafe, ” malaki ang kanyang pasasalamat na inilunsad ng pamahalaan ang OTOP Hub na higit na nakatutulong lalo na sa mga negosyante na hindi kaya na magrenta pa sa mga mall.

Dagdag pa ni Gonzales, ang layon ng pagpangalan na “Kapandesal Cafe” sa naturang OTOP Hub ay upang magkaroon ng tulay sa pagitan ng mahihirap at mayayaman.

Umaasa naman si Gonzales na maging tuluy-tuloy na ang naturang programa ng pamahalaan.

Sa pangunguna ni DTI Secretary Ramon Lopez, binuksan ang kauna-unahan otop Philippines Hub na ‘Kapandesal’ sa Maynila.

Kasama naman ni Secretary Lopez sa ribbon cutting ang common law wife ni Pangulong Duterte na si Honeylet Avanceña.

Ayon kay Lopez, tinututukan nila na matulungan ang mamamayang Pilipino sa larangan ng pagnenegosyo umpisa sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMES).

Nagbigay ng isang inspirational message si Avanceña na isa ring businesswoman para sa mga nagsisimula pa lamang magnegosyo.

Ang OTOP Hub ay mas pinalawak na programa ng DTI at target na makapagpatayo pa ng 20 ngayong taon at karagdagan pa sa susunod na taon.

Ito ay maaaring pasalubong center o isang cafe na nagso-showcase ng OTOP products kung saan ay libreng makapag-display ng kanilang produkto.

 

Ulat ni: Cresilyn Catarong

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *