Mangkhut

Bagyong Mangkhut, lumakas pa habang papalapit sa Pilipinas

National News

Lalo pang lumakas ang bagyong may international name na Mangkhut habang papalapit ito sa Pilipinas.

Huling namataan ng PAGASA ang sentro ng bagyo sa layong 1,845 km silangan ng Southern Luzon.

Taglay ng bagyo ang lakas na aabot sa 170 km kada oras malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 210km kada oras.

Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 25 km kada oras.

Inaasahan na papasok sa PAR ang bagyo mamayang hapon at papangalanan itong bagyong Ompong.

Nagbabanta ang bagyo sa hilagang bahagi ng Luzon at inasahang tatahakin ang Cagayan-Batanes area sa Sabado.

Inaasahan namang palalakasin ng bagyo ang Southwest Monsoon o habagat na magdadala ng mga mahina hanggang sa katamtaman na mga pag-ulan at thunderstorms sa Zamboanga Peninsula, Western Visayas at Palawan simula Huwebes.

NDRRMC, puspusan na ang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Ompong

Puspusan ang ginagawang paghahanda ng National Dissaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) para sa posibleng epekto ng bagyong Ompong na maaaring kahalintulad umano ng bagyong Yolanda.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Dir. Edgar Posadas, binago nila ang ilang aspeto na napatunayang hindi naging epektibo.

Aminado si Posadas na marami silang natutunan sa Yolanda lalo na sa mga ginawang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong sibilyan.

Inalerto at pinag-iingat ng NDRRMC ang mga residente mula sa siyam na lalawigan sa Northern Luzon na maaapektuhan ng malakas na pag-ulan at pagbayo ng hangin dala ng papasok sa teritoryo ng Pilipinas na bagyong Ompong.

Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Cagayan,
  • Isabela,
  • Apayao,
  • Kalinga,
  • Abra,
  • Ilocos Norte,
  • Batanes at
  • Babuyan Island.

Una nang isinailalim sa red alert status ang apat na rehiyon na tutumbukin ng bagyong ompong at ito ay ang regions

  • 1,2,3 at
  • Cordillera Administrative Region (CAR).

Maliban sa 1.7 bilyong piso na standby fund para sa relief operations ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

May mga nakahanda na ring food packs and rescue equipment ang Office of Civil Defense (OCD) sa nabanggit na mga rehiyon.

Nanawagan naman ang NDRRMC sa publiko na maging handa sa mga hindi inaasahang epekto ng bagyo.

Dapat din tiyakin ng mga ito na may sapat na imbak ng tubig, pagkain, gamot at may nakahandang flashlight, baterya at radyo.

Samantala, makikipagtulungan ang ahensya sa mga TELCO upang mapabilis ang pagbibigay ng abiso sa publiko.

NEA, inalerto ni Rep. Karlo Nograles sa posibleng epekto ng super typhoon Ompong

Inalerto ng House Appropriation Committee ang National Eletrification Administration (NEA) kaugnay sa nakaamabang pagpasok sa bansa ng super typhoon Ompong.

Ayon kay Appropriations Committee Chairperson Rep. Karlo Nograles, kailangan ihanda ng NEA ang “emergency and resiliency fund” nito.

Pinakikilos din ng komite ang Power Restoration Rapid Deployment (PPRD) task force para masiguro na agad maibabalik ang serbisyo ng kuryente sa mga probinsyang tatamaan ng bagyo.

Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang nasabing super­ typhoon ngayong araw.

Kung hindi magbabago ng direksiyon ay tatahakin ng bagyo ang Northern Luzon hanggang Biyernes.

Sa Sabado ay tatawid ito sa Cagayan-Batanes.

 

DZARNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *