amnestiya

Malaking isyu kakaharapin ng pamahalaan sakaling ma-revoke ang amnestiya ni Trillanes

National News

MALAKI ang isyu na kakaharapin ng bansa sakaling tuluyang ma-revoke ang amnestiya ni Sen. Antonio Trillanes IV.

Ito ang paniniwala ng dating mambabatas at dating Armed Forces Chief Rodolfo Biazon.

Ayon kay Biazon, maaapektuhan ang katatagan ng iba’t ibang institusyon ng pamahalaan.

Kung sakali aniya ay mangyayari na tuluyang mapawalang bisa ang amnestiya ni Trillanes.

Naniniwala kasi si Biazon na walang legal na basehan para ibasura ang amnestiya ng senador.

Ipinunto nito na maliban sa kapangyarihan ng pangulo ang paggagawad ng amnestiya ay kailangan ding pagtibayin ito ng buong Kongreso.

At dahil walang desisyon mula sa Kongreso sa kaso ni Trillanes ay wala ring legal na basehan ang inilabas na kautusan ni Pang. Duterte.

Ani Biazon, ito ang kanyang naging pananaw sa usapin na ibinatay niya sa pagbasura sa 1991 Treaty ng Amerika at Pilipinas.

Kung saan palalawigin ang pananatili ng mga military bases ng Estados Unidos sa bansa.

Bago mabuo ang treaty kailangan dito ang kapangyarihan ng pangulo at ng Senado.

Sa mga panahong iyon hindi sinang-ayunan ng Senado ang nais ni Pang. Cory Aquino na paliwigin ang pananatili ng mga military bases sa Pilipinas.

Samantala nitong Martes ay ipinakita ni Sen. Trillanes ang kopya ng Proclamation No. 75 na nagbibigay sa kanya ng amnestiya.

Sa naturang dokumento makikita ang lagda ni Pang. Benigno Aquino III sa huling pahina.

Una nang iginiit ni Pang. Duterte na walang bisa ang amnestiya ni Sen. Trillanes.

Dahil ang proklamasyon ay may pirma lang ni Defense Sec. Voltaire Gazmin at hindi ni Aquino.

 

Ulat ni: Admar Vilando

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *