kinundena

Pag-aresto kay Sen. Trillanes IV, mariing kinundena

National News

MARIING kinundena ng ilang mambabatas ang pagpapalabas ng warrant of arrest at Hold Departure Order ng Makati RTC Branch 150 laban kay Senador Antonio Trillanes IV.

Ayon sa Magdalo Partylist ang aksyong ito ay nagpapakita lamang na walang demokrasya sa bansa sa ilalim ng Administrasyong Duterte.

“Sa paglabas ng warrant of arrest laban kay Sen. Trillanes, natanggal na ang pagkukunwari ng Administrasyong Duterte na tayo ay nasa demokrasya pa.”

“Tayo po ay na sa isa ng diktadurya ngayon,” pahayag ng Magdalo Partylist.

Maliban rito, sa halip anila na ipatupad ang batas ay binabaluktot ito ng administrasyon.

“Ang nakikita natin ngayon ay hindi pagpapatupad ng batas kundi pagbali ng batas.”

“Ginagamit ng Administrasyong Duterte ang kanilang kapangyarihan at mga ahensya ng gobyerno para patahimikin ang oposisyon,” dagdag ng grupo.

Para naman kay Vice President Leni Robredo, tila ipinapakita ng nasa posisyon ang pagpapatahimik sa mga kritiko nito

Gaya na lamang sa sinapit nina Sen. Leila de Lima na ngayon ay nakapiit sa custodial center ng PNP sa Kampo Krame.

At si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na pinatalsik sa pwesto.

Binatikos naman ni Senador Bam Aquino ang arrest order laban sa kapwa mambabatas.

Iginiit ni Aquino na kahirapan at pagsipa ng presyo ng mga bilihin ang tunay na kalaban at hindi ang mga miyembro ng oposisyon.

Dahil aniya sa hakbang ng administrasyon na patahimikin si Trillanes, ay naisasantabi na ang mga isyung kinakaharap ng taumbayan.

Tulad ng pagsipa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at kahirapan.

Samantala, kumpyansa naman si Senador Grace Poe na kayang depensahan ni Trillanes ang kanyang sarili.

Base na rin ito sa mga nauna iprinisintang mga dokumento ni Trillanes.

Nagpapatunay ang mga dokumento na nakumpleto ng senador ang kanyang requirements para sa amnesty.

Sa ngayon ang tanging hiling naman ni Poe na maging patas ang korte na dumidinig sa kaso ni Trillanes.

 

DZARNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *