momo challenge

NTC at iba pang ahensya ng gobyerno, nakatakdang magpulong ngayong araw ukol sa Momo challenge

National News

Nakatakdang magpulong ngayong araw ang National Telecommunications Commission (NTC) at iba pang ahensya ng gobyerno dahil sa kumakalat sa internet na “Momo challenge”.

Ang naturang pulong ay gaganapin mamayang alas dos ng hapon sa NTC building.

Kabilang sa inimbitahan ng NTC sa pulong ang mga miyembro ng Committee For The Special Protection Of Children mula sa Department Of Justice (DOJ), Department Of Social Welfare And Development (DSWD) at Philippine National Police (PNP).

Imbitado rin dito si Department Of Information And Communications Technology (DICT) Secretary Eliseo Rio Jr. o kinatawan nito.

Layon ng pagpupulong na gumawa ng hakbang sa nakakabahalang “momo challenge” na nanghihikayat sa mga biktima na gumawa ng task na palala ng palala hanggang humantong sa pananakit ng sarili at pagpapatiwakal.

Sinabi ng NTC na may kapangyarihan sila na atasan ang internet service provider na i-block ang websites na nagdudulot ng hindi maganda sa publiko.

Partikular na aniya kung ito ay may mapanganib na content at nagpapakita ng online harassment.

DepEd, nanawagan sa mga magulang na kontrolin ang mga anak sa paggamit ng social media

Nanawagan ngayon ang Department Of Education (DepEd) sa mga magulang na higit bigyang pansin at pagpapahalaga ang mga gawain ng kanilang mga anak sa internet lalo na sa kasagsagan ng tinatawag na “momo challenge” at iba pang hamon o laro na ‘di umano ay nag-uudyok sa mga bata na saktan ang sarili.

Sa isang pahayag, iginiit ng DepEd na importante ang gabay ng mga magulang sa kanilang mga anak lalo na sa paggamit ng mga online application.

Sa mga paaralan, binibigyang-diin ng kagawaran sa mga mag-aaral na ang kanilang kaligtasan sa internet ay kasing halaga ng kanilang kaligatasang pisikal.

Ito ay sa pamamagitan ng mga banghay-aralin na may tamang konteksto at naaayon sa kanilang edad habang sila ay hinahayaang patuloy na pahalagahan ang internet bilang isang ligtas at nakawiwiling paraan upang matuto.

Giit pa nito na ang mga gawain na nagsasamantala sa mga kabataan ay dapat labanan sa pamamagitan ng tamang patnubay at edukasyon tungkol sa mga karapatan at mga responsibilidad ng mga bata, online at sa pisikal na mundo.

 

DZARNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *