mwss

Pang. Duterte, nagbantang may ilang sisibakin sa MWSS

National News

Pinagsusumite ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng report bago mag Abril 7 kaugnay sa problema sa suplay ng tubig sa Metro Manila at mga kalapit na bayan sa Rizal.

Ito ang naging utos ng pangulo matapos ang naganap na pulong nito kagabi sa mga opisyal ng MWSS at ng Maynilad at Manila Water.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mistulang presidential monologue ang meeting na umabot ng apatnapung minuto.

Hindi aniya binigyan ng pagkakataon ng pangulo ang mga ito na magsalita dahil tiyak na magdadahilan at magpapalusot lamang aniya ang mga ito.

Sinabi ni Panelo na pag-aaralan ng pangulo ang report ng MWSS at kapag hindi ito nakuntento ay sisibakin niya sa pwesto ang ilang MWSS officials at ipatitigil ang mga kontrata ng mga water concessionaires.

Nagpahayag din aniya ng matinding pagkadismaya ang pangulo sa mga opisyal ng MWSS, Maynilad at MANILA WATER na iniisip lamang aniya ay kumita at hindi iniisip ang kapakanan ng mamamayan.

Malinaw aniya ayon sa pangulo na alam ng mga opisyal ang paparating na problema sa suplay ng tubig pero walang ginawa ang mga ito para ito ay maiwasan.

Hinintay pa aniya ng mga opisyal na bantaan silang susugurin ng pangulo mula Davao bago pa sila nagpakawala ng tubig sa mga apektadong residente noong Biyernes.

 

DZARNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *