Mga alagang hayop

Mga alagang hayop, pinapayagan na ng LTFRB sa mga pampublikong sasakyan

Metro News

Pinapayagan na ang mga pet owner na dalhin o isama ang kanilang mga alagang hayop kapag sila ay nagko-commute.

Ito ay matapos lagdaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang memorandum na nagpapahintulot sa domestic animals sa loob ng public utility vehicles (PUV) basta’t masunod ang ilang kondisyon.

Inamyendahan ng nasabing memo ang isang probisyon sa Memo Circular No. 2011-004 kaugnay ng terms and conditions para sa pag-biyahe ng mga alagang hayop.

Ayon sa LTRFB, dapat ay nasa loob ng carrier o cage ang mga domestic animal at kailangang i-puwesto sa itinalagang animal compartment ng PUV kung may iba pang pasahero sa loob ng sasakyan.

Dagdag ng ahensya, kung wala namang ibang pasahero ay papayagan ang mga alagang hayop na kargahin ng may-ari basta’t hindi mabaho ang kanyang pet.

Dapat ding maging responsable ang pet owner para sa pinsalang maaaring idulot ng kanilang alaga, gaya ng paglilinis at sanitasyon ng PUV kung kinakailangan.

Binigyang-diin ng ahensya na hindi kailangang i-sakripisyo ang kaligtasan, convenience at comfort ng mga pasahero sa pagdadala ng mga alagang hayop sa pagko-commute.

Magiging epektibo ang memo matapos itong ma-i-lathala sa mga pahayagan.

 

DZARNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *