Comelec, prinoklama na ang 12 senador

Comelec, prinoklama na ang 12 senador

National News

Matapos ang ilang araw na pagkakadelay ay isa-isa nang tinanggap ng mga senator-elect ngayong araw sa stage sa Philippine International Convention Center (PICC) ang kanilang certificate mula sa Comission on Elections (Comelec).

Ang certificate ang patunay o simbolo na sila ang Top 12 na ibinoto ng mamamayang Pilipino at nanalo sa midterm elections ngayong 2019.

Sa talumpati ni Comelec Chairman Sheriff Abas ay isa-isa nitong pinasalamatan ang lahat ng naging katuwang na mga ahensya na nakiisa para sa isang matagumpay na halalan.

Sa proklamasyon, unang tinawag upang umakyat sa stage si Senadora Nancy Binay na humigit kumulang 200,000 ang lamang sa pang 13 na si Senador JV Ejercito.

Pangalawang tinawag upang tanggapin ang certificate ang nagbabalik sa Senado na si Bong Revilla na sinamahan ng kanyang maybahay at mga anak.

Si Revilla ay sinundan ni re-electionist at dating Senate President Koko Pimentel.

Sunod-sunod na ring tinawag sina;

  • dating Political Adviser to The President Francis Tolentino,
  • Former Governor Imee Marcos,
  • actor turned politician na si “Pinuno” Lito Lapid,
  • re-electionist Sonny Angara,
  • dating PNP Chief Bato dela Rosa,
  • ang nagbabalik sa Senado na si Taguig Congresswoman Pia Cayetano,
  • dating Special Assistant to the President (SAP) Bong Go, at
  • re-electionist Grace Poe.

Pinakahuling namang tinawag ang nangunguna sa lahat ng kandidato sa midterm elections na si Senadora Cynthia Villar.

Siya ay sinamahan sa stage ng kanyang asawa na si dating Senate President Manny Villar at anak na si Las Pinas Congresswoman Camille Villar.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Villar ang kanyang pamilya at staff sa kanyang pagkakapanalo.

Kabilang din sa pinasalamatan si President Rodrigo Duterte at anak nito na si Inday Sara dahil sa pagsama sa kanya as guest candidate sa PDP-Laban at Hugpong ng Pagbabago.

Bagama’t ngayong araw ang proklamasyon ng COMELEC, ang mga pinalad na kandidato sa 2019 midterm elections ay inaasahan na opisyal nang uupo bilang senador sa 18th congress sa July 22, 2019.

Ito ay kasabay sa isasagawang State of the Nation Adress (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang senator elect na prinoklama ng Comelec ngayong araw ay magsisilbi bilang senador ngayong taong 2019 hanggang 2025.

 

Ulat ni: Troy Gomez

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *