Bilihan ng boto

Bilihan ng boto sa Kamara, kinumpirma

National News

Kinumpirma ni Dating House Speaker at re-elected Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na may nagaganap na bilihan ng boto para sa mga nagnanais na susunod na maging House Speaker ng 18th Congress.

Sa isang panayam, ibinunyag ni Alvarez ang umano’y text message mula sa tanggapan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kung saan iniimbitahan di umano nito ang mga kapwa mambabatas sa isang pribadong meeting.

Ibinunyag ni Alvarez na may nakalaan ng tig-isang milyon si Velasco para sa bawat kongresista na boboto sa kanya bilang House Speaker.

Galing umano ang pondo mula sa negosyanteng si Ramon, ang nakilalang malapit sa aspiring house leader.

Matagal ng umuugong ang pangalan ng Marinduque Congressman bilang susunod na house speaker dahil malapit umano itong kaibigan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Wala pang pahayag si Velasco kaugnay sa akusasyon ni Alvarez na plano ring tumakbo sa dating pwesto.

Maliban kina Velasco at Alvarez, nagpahayag din ng interes sa pagtakbo bilang house speaker sina Leyte Rep. Martin Romualdez, Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers, Jr.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *