5- minutong biyahe

5- minutong biyahe ng Cubao-Makati, huwag gawing literal –MMDA

Metro Manila

HUWAG gawing literal ang pag-intindi sa inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na paiikliin sa 5- minutong biyahe mula Cubao, Quezon City hanggang Makati City.

Ito ang iginiit ni Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Chairman Danilo Lim sa ginanap na pagbubukas ng mga pampamahalaang programa at serbisyo sa Rizal Park sa Maynila.

Punto ni Lim, ang importante aniya sa sinabi ng pangulo ay magkakaroon ng improvement sa daloy ng trapiko.

Dagdag pa ng MMDA chair na ang pagpapa-ibayo ng Traffic Management System sa EDSA ay sa pamamagitan ng kombinasyon ng mga proyektong pang-imprastraktura at pagtutulungan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.

Sinabi pa ni Lim na asahan ng publiko na magkakaroon ng malaking improvement sa daloy ng trapiko pagdating ng Disyembre.

“Ang sinasabi ko nga kasi huwag tayong mag-concentrate sa 5 minutes. Don’t take that literal. Ang importante may inaasahan tayo na malaking improvement,” pahayag ni Lim.

Panauhing pandangal naman si Chairman Lim sa isinagawang programa sa Rizal Park kaugnay sa pagbubukas ng mga pampamahalaang programa at serbisyo para sa pagdiriwang ng ika-121st Anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan bukas, Hunyo 12.

Ang naturang programa ay isinagawa upang i-showcase ang mga bagong polisiya, mga programa at bagong equipments ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.

May tema naman itong “Tapang ng Bayan, Malasakit sa Mamamayan.”

CRESILYN CATARONG

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *